-- Advertisements --

Magiging kapana-panabik ang mga susunod na kaganapan para sa inilunsad na kauna-unahang interplanetary mission ng China sa Mars.

Sinimulan na ng Tianwen-1 ang pitong buwang paglalakbay nito sa kalawakan. Sa oras na makarating ito sa Red Planet, ang China ang magiging ikalawang bansa na tagumpay na makakalapag sa nasabing planeta at makakapag-operate ng rover sa Martian surface.

Sakay nito ang Martian orbiter, lander at rover. Ang tatlong nabanggit ay unang inilunsad sa Long March 5 mula Wenchang Spacecraft Launch Site sa China noong Hulyo 23. Itinuturing na pinaka-malakas na rocket ang Long March 5 at ikaapat na beses pa lamang inilulunsad ang ganitong uri.

Kung sakali na makarating ang Tinawen-1 sa Mars, ay magtutulungan ang tatlong spacecraft upang pag-aralan ang heolohiya ng Mars. Layunin nito na kumalap ng karagdagang impormasyon sa kung ano pa ang maaaring matagpuan sa planeta.

Tanging Estados Unidos lamang ang tagumpay na nakapagpadala ng land robotic spacecraft sa Mars na may kakayahang siyasatin ang surface ng naturang Red Planet. Habang dalawang beses nang bigo ang Europe na makapagpadala ng spacecraft rito.

Bago ito ay inilunsad din ng United Arab Emirates ang kanilang sariling interplanetary mission noong Hulyo 19 kung saan pinadala ng bansa sa kalawakan ang kanilang orbiter, mas kilala bilang “Hope to Mars”, na siya namang pag-aaralan ang lagay ng panahon sa planeta.

Sa Hulyo 30 naman ay nakatakdang ipadala ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang kanilang Martian rover o “Perseverance” na dinesenyo upang humanap ng mga patunay ng mga naunang buhay sa Mars.