-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY-Na-recover ng militar ang kalansay ng isang amazona na pinatay umano ng kanyang mga kasamahang rebelde sa Sitio San Martin, Brgy. Adtuyon, Pangantucan, Bukidnon.

Kinilala ang amozona na si Merlyn Hinganon Panta, alyas Genevive, at sinasabing medic ng Sub-regional committee 4 ng teroristang CPP-NPA.

Sinabi ni Maj. Frankjo Boral, civil military operations officer ng 1st Special Forces Batallion sa Philippine Army na kanilang natunton at nahukay ang pinaglibingan sa biktima sa tulong ng isang rebelde na sumuko sa kanila.

Inihayag umano ng rebel returnee na pinagdududahan ng kanyang kasamahan si Panta na espiya ng militar kung kaya’t kanila itong pinatay.

Ang sub-leader umano ng NPA na nakilalang si Jovelito Pontillas Jr. ang pumatay sa amazona sa pamamagitan ng saksak noong buwan ng Hunyo nitong taon.

Mariin namang kinondina ni 403rd Brigade Commanding officer Gen. Edgardo de Leon ang ginawa ng NPA at tinawag itong isang barbaric act.

Nauna rito, brutal rin na pinatay ng NPA ang kanilang squad leader dahil sa plano nitong bumalik loob sa pamahalaan.