ROXAS CITY – Pinatay ng isang ama ang tatlong taong gulang na anak bago ito nagpakamatay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Jose, Roxas City.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Nanay Delia, tiyahin ni Jaypee Capapas, 31, sinabi nito na ikinagulat na lamang niya ng makitang nakabitay na ang pamangkin sa kusina.

Ayon kay Nanay Delia, bago ang insidente ay inutusan siya ni Jaypee na kumuha ng gulay sa labas ng kanilang bahay.

Ngunit nagulat na lamang ang tiyahin ng makitang nagbigti si Jaypee gamit ang nylon cord sa kusina.

Humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay na kaagad naman nagsidatingan.

Sa pag-aalala sa anak ni Jaypee na natutulog ay pinuntahan ito ni Nanay Delia sa silid, ngunit gayun na lamang ang gulat nito ng makita niyang may electric cord sa leeg ng paslit at hindi na ito humihinga.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Roxas City PNP na unang pinatay ni Jaypee ang menor de edad na anak sa pamamagitan ng pagsakal bago ito nagbigti.

Sa ngayon ay hindi pa maliwanag kung ano ang nag-udyok kay Jaypee na patayin ang anak at pagkatapos ay magpakamatay rin.

Napag-alaman na nagtatrabaho sa ibang bansa ang asawa ni Jaypee at ito ang naiwan sa pag-aalaga sa dalawang anak kasama ang tiyahin na si Nanay Delia.