-- Advertisements --
95525942 2660242484305010 8832642811644870656 o

KORONADAL CITY – Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng isa sa mga pulis na nasawi sa nangyaring ambush sa Brgy. Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato kahapon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Diorito Bitantos, isang empleyado ng Municipal Agriculture Office, tinawagan daw siya ng kaniyang anak na si PCpl. Witzel Russ Bitantos na dadaan siya sa kanilang lugar.

Subalit pagsapit ng alas-dos ng hapon ay may nagpaalam sa kanila na may nangyaring pamamaril dahilan para kabahan ito at agad na tinawagan ang kaniyang anak ngunit hindi ito sumasagot.

Naghintay naman ito sa ospital sa pag-asang buhay pa ang kaniyang anak ngunit labis ang kaniyang hinagpis nang halos hindi na umano makilala ang mukha ng kaniyang anak.

Paglalarawan pa ng ama ni Bitantos, umabot sa 18 tama ng bala ang tinamo ng kaniyang anak.

Masyado umanong sira ang ulo matapos na binaril ng mga armadong grupo.

Masakit man sa kaniyang loob, ngunit itinuturing niya ang kaniyang anak na isang bayani na sinasabing pinapaalis ang iba pa niyang mga kasamahan upang hindi sila madamay sa nasabing ambush.

Sa ngayon apela ng ama ang hustisya na nais makamit dahil sa sinapit ng kaniyang anak.

Naulila ni PCpl. Bitantos ang kaniyang asawa at ang tatlong mga anak.

Nabatid na siya ang ikalawang miyembro ng pamilya na nasawi sa 9 na magkakapatid matapos mamatay dahil sa serial killing ang kuya noong 1998.

Sa ngayon, naka-half mast ang watawat ng Polomolok PNP at ibang police station sa Region 12 bilang pagpapakita ng kanilang kalungkutan sa mga nasawing kasamahan.