-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hindi Iaatras ng Trade Union of the Philippines o TUCP ang hirit na dagdag sahod ng mga manggagawa sa kabila ng nagbabadyang big time oil price rollback bukas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Allan Tanjusay , tagapagsalita ng The Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) , sinabi niya na sa kabila ng roll back sa presyo ng mga petrolyo ay hindi pa rin nila iaatras ang kanilang apela.

Aniya, non-negotiable ang kanilang hakbang dahil may rollback man o wala ay itutuloy nila ang paghahain ng wage increase petition sa Metro Manila, Region 7, Central Visayas, Davao Region, Zamboanga City, Region 3 at Region 4A.

Iginiit niya na napakabagal ng wage board sa paglalabas ng desisyon at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatawag ng konsultasyon.

Dahil dito ay hinihikayat ng ALU-TUCP ang Wage Board na bilisan ang paglalabas ng desisyon at magpatawag na ng konsultasiyon kung magkano ang aaprubahan nilang taas sahod.

Aniya batay sa kanilang pag-aaral nasa P650 pataas na ang standard living ng pamilyang Pilipino para sa araw-araw na pangangailangan subalit ang minimum wage ay napakababa.

Plano ng ALU-TUCP na humingi ng ibat ibang wage increase para sa iba’t ibang probinsiya halimbawa sa Metro Manila hihilingin ang 470 pesos na karagdagang sahod, at Cebu City na 430 pesos habang inaasahan naman sa araw ng Huwebes ang paghahain ng wage increase petition sa Davao Region.

Idinagdag pa ni G. Tanjusay na sa loob ng tatlong taon ay naging stagnant o walang naging paggalaw ang sahod ng mga manggagawa sanhi para bumaba ang purchasing power nito sa paglipas ng panahon dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hindi rin kapalit para sa ALU-TUCP ang 4 day work week na mungkahi ng pamahalaan para sa hinihiling na taas sahod.