-- Advertisements --

Tuloy ang paghahanda ni Alex Eala para sa nalalapit na French Open matapos kumpirmahing lalahok siya sa Internationaux de Strasbourg sa France mula Mayo 17 hanggang 23.

Gayunpaman, daraan muna ang 20-anyos na Pinay tennis star sa qualifying round upang makapasok sa main draw ng WTA 500-level tournament.

Si Eala ang top seed sa qualifying round ng Strasbourg.

May posibilidad naman na direkta siyang makakapasok sa main draw sakaling may umatras na kalahok bago magsimula ang torneo.

Kabilang sa mga nasa main draw sina Madison Keys, Leylah Fernandez, Emma Navarro at Maria Sakkari.

Galing si Eala sa impresibong kampanya sa Italian Open kung saan umabot siya sa third round ng singles competition.

Sa kanyang huling laban, pinahirapan niya si world No. 2 at Australian Open champion na si Elena Rybakina bago yumuko sa iskor na 4-6, 3-6.

Patuloy naman ang masinsinang paghahanda ni Eala para sa kanyang kampanya sa French Open na gaganapin mula Mayo 24 hanggang Hunyo 7 sa Paris.