Binuweltahan ni House Deputy Speaker Mujiv Hataman ang akusasyon ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos na nagkaroon ng poll fraud sa tatlong probinsya sa Bangsamoro Region noong 2016 elections.
Iginiit ni Hataman na walang basehan ang alegasyon na ito ni Marcos.
Hindi aniya niya maintindihan kung bakit tuwing may natatalo sa ARMM ang reklamo palagi ay nagkaroon ng dayaan sa halalan.
“Bakit pag nanalo, wala namang sinasabi?” saad ni Hataman sa isang statement.
Ayon sa kongresista, hindi ibinoto ng mga residente ng ARMM si Marcos dahil sa dinanas na kalupitan ng mga ito noong Martial Law sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“This may be the reason Bongbong Marcos did not even campaign personally in some parts of Mindanao and ARMM, for this would require acknowledging their family’s crimes, especially those against the Bangsamoro people,” ani Hataman.
Bukod dito, isa rin sa mga posibleng dahilan aniya ay ang pagtulog ng Bangsamoro Organic Law sa ilalim ng Senate committee on local government nang chairman pa si Marcos ng naturang komite.
Idinipensa naman ni Hataman ang pagkakapanalo ni Robredo sa pagsasabi na bunga ito ng efforts na ibinuhos nito sa pagbisita sa halos lahat ng probinsya sa Mindanao.









