Nais malaman ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda ang be-all, end-all ng pinalawak na presensya ng militar ng United States (US) sa Pilipinas.
Aniya, kapansin-pansin na pinalawak ng Estados Unidos ang military footprint nito sa Pilipinas, kaya mahalaga aniyang maunawaan ng mga mambabatas kung paano, kailan, at hanggang saan ang presensyang gagamitin.
Sa ilalim ng administrasyon Marcos, nakapagdagdag ang Estados Unidos ng apat na bagong lokasyon sa Pilipinas sa orihinal na lima sa kanilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Nilagdaan ng dalawang bansa noong Abril 28, 2014 ang pagpapahintulot ng EDCA sa US na mag-ikot ang mga tropa sa Pilipinas para sa pagpapalawig ng pananatili sa bansa at payagan ang Amerika na magtayo at magpatakbo ng mga pasilidad sa base ng bansa para sa pwersa ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ang Pilipinas at US ay matagal nang military allies sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT).
Inihayag ng mambabatas na susubukan nitong makakuha ng mga sagot sa kanyang mga katanungan sa oras na mag-deliberate ang Kamara ng proposed 2024 budget ng Department of National Defense (DND) sa second regular session ng 19th Congress.
Partikular na sinabi ni Salceda na hihingi siya ng update mula sa DND tungkol sa pagsusuri ng Mutual Defense Treaty.