-- Advertisements --

Inamin ng aktres na si Maricel Soriano na nagmay-ari siya ng condominium unit sa Makati City na nauugnay sa umano’y aktibidad ng ilegal na droga mahigit isang dekada na ang nakararaan.

Nasama ang pangalan ni Soriano sa umano’y nag-leak na mga dokumento ng operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag-uugnay sa ilang personalidad sa paggamit ng ilegal na droga.

Kinumpirma ng aktres, na nagmamay-ari siya ng condo unit sa Rizal Tower Building sa Makati City. Ito ay ang unit 46-C na naging subject ng operasyon ng PDEA noong March 2012.

Ngunit ayon pa kay Maricel, ibinenta na niya ang naturang condo unit noong 2012 hindi lamang niya matandaang kung anong buwan ito nabenta.

Sinabi ni Senate Public Order and Dangerous drugs chairman Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na noong taon ding iyon ang umano’y nag-leak na pre-operation report at authority to operate na inilabas umano ng PDEA.

Pagkatapos ay hiniling sa aktres na ibigay ang eksaktong buwan kung kailan naibenta ang property.

Isiniwalat din ni dela Rosa ang reklamo noong 2011 laban sa aktres ng kanyang dalawang dating kasambahay.

Base sa reports, sinabi ng senador na umalis umano ang mga nagrereklamo sa condo unit ng aktres “dahil sa paggamit umano nito ng cocaine.”

Gayunpaman, kinumpirma ng aktres na kaya umalis ang dalawang katulong ay dahil ninakawan umano siya ng mga ito.