KALIBO, Aklan—Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawang suspek sa pamamaril na naganap sa Sitio Manggayad Brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Kinilala ni PCol. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station ang mga suspek na sina PSSgt. Lloyd Raymundo, isang aktibong pulis na naka-assign sa Caluya Municipal Police Station ng Antique Police Provincial Office na kusang sumuko sa pulisya at si Mark Ramir Perlas, anak ni dating Aklan Police Provincial director Col. Ramir Perlas na nananatili pang atlarge hanggang sa ngayon.
Ang nasabing mga indibidwal ang itinuturong bumaril-patay sa biktimang si Benjie Quiatchon, 24, isang commissioner, tubong Valladolid, Negros Occidental ngunit kasalukuyang naninirahan sa naturang isla.
Nakilala ang dalawa sa pamamagitan ng mga CCTV footage kung saan ang pinagmulan ng insidente ay isang gulo sa gitna ng mga ito sa loob ng restobar.
Sinuntok umano ang biktima at nang makatakbo ay pumasok sa isang convenient store ngunit nahabol siya ng mga suspek at pinagbabaril hanggang sa nasawi.
Matapos ang insidente ay kaagad na tumakas ang dalawa ngunit makalipas ang halos 24 oras ay sumuko sa mga awtoridad si Raymundo habang si Perlas naman ay patuloy pang tinutugis ng pulisya.










