Kasabay ng unang araw nang pagdiriwang ng Ramadan ay mas lalong pinahigpit ng mga bansa ang ipinatutupad na patakaran dahil pa rin sa banta ng coronavirus pandemic.
Karamihan sa mga bansa ay ipinagbabawal ang outing at mass gathering ng muslim community upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nagsasagawa ng fasting ang mga muslim tuwing umaga sa loob ng isang buwan at nagtitipon-tipon din ang mga ito sa mga mosque para mag-alay ng dasal kay Allah.
Sa sagradong syudad ng Mecca sa Saudi Arabia, hindi pinapayagan ang sinomang pumasok ng mosque para magdasal.
Hinihikayat naman ang Egyptian Muslims na gawin na lamang sa loob ng kanilang mga bahay ang pagdadasal dahil sarado ang halos lahat ng mosque sa Egypt.
Pumalo na kasi ng 3,600 katao ang tinamaan ng COVID-19 sa naturang bansa.
Dahil dito ay tila magiging imposible na gawin ang naging tradisyon tuwing Ramadan kung saan namimigay ang mga ito ng pagkain sa mahihirap.