Pumalo na sa mahigit 40 ang naitatalang aksidente sa kahabaan ng EDSA na may kaugnayan sa inilagay na concrete barriers sa gitna ng COVID-19 community quarantine.
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni MMDA chairman Jojo Garcia na 70 percent sa mahigt 40 na naitalang aksidente dahil sa concrete barriers ay nangyari tuwing gabi.
Karamihan aniya sa mga naaksidente ay naka-inom o may ibang ginagawa habang nagmamaneho tulad ng pagte-text.
Kung siya raw ang tatanungin, ayaw na rin daw sana nila na maglagay ng pa ng concrete barriers pero base sa kanilang karanasan ay hindi naman daw kasi ginagalang ng mga sasakyan na dumadaan sa EDSA ang yellow lane na nakatakda para sa mga bus.
Gayunman, maituturing pa rin naman aniyang win-win solution ang paglalagay ng concrete barriers para sa mga pribado sasakyan gayundin sa mga mananakay.
Mas mabibigyan prayoridad kasi aniya sa mga kalsada ang mga mananakay, na mas marami naman aniya ang kung ikumpara sa mga may pribadong sasakyan.
Pero pabor din aniya ito para sa mga private cars dahil hindi na makikipag-agawan pa sa kanilang lanes sa EDSA ang mga bus.










