Higit isandaang mga siklista, skaters, at joggers ang nakiisa sa “EDSA Freedom Ride” sa Makati para gunitain ang ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Inorganisa ito ng Akbayan Party na layon ding protektahan ang 1987 Constitution sa anumang pagtatangkang amyendahan o rebisahin ito.
Kabilang sa mga dumalo ang ilang grupo gaya ng Siklista Pilipino, Makati Villages Council, The Youth Alliance Against Charter Change, at Student Council Alliance of the Philippines.
Nakita rin sa pagtitipon si dating Senador Rene Saguisag at apo ni dating presidente Cory Aquino na si Francis Aquino Dee.
Binigyang-diin ni Akbayan President Rafaela David na ang EDSA Freedom Ride ay isang ‘innovative approach’ para maipahatid sa bagong henerasyon ang kahalagahan ng people power.
Nagtataka naman si Francis Aquino Dee kung bakit hindi ginawang holiday ng Malacanang ang EDSA People Power gayong ginawa naman daw na holiday ang Chinese New Year kahit natapat ito sa weekend.