-- Advertisements --
image 90

Iniimbestigahan na ng anti-trafficking task force ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at airport police department ang posibleng pagkakadawit ng isang airline personnel sa pagtulong sa departure ng mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Io ay matapos na maharang ng mga opisyal ng Immigration bureau ang isang babae na sinubukang makalabas ng bansa nang may pekeng immigration departure stamp sa kaniyang pasaporte.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco na sa kasagsagan ng pagtatanong sa biktima, inamin nito na inasistihan siya ng isang empleyado ng airline na dating officemate umano nito sa queuing sa immigration departure counter.

Ibinunyag ng bureau na nangyari ang insidente noong Abril 5 kung saan ang naturang pasahero ay nakatakda sanang lumipad patungong Kuala Lumpur patungo ng United Arab Emirates kung saan siya ay na-recruit para magtrabaho bilang domestic household worker.

Pinigilan siya ng isang BI officer na makalabas ng bansa matapos na makita ang kaniyang pasaporte na mayroon ng immigration departure stamp na peke pala matapos makumpirma sa document forensic laboratory ng bureau.

Hindi naman na pinangalanan pa ni Tansingco ang airline na tumulong umano sa pasaherong babae .