-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of Health na hindi malabo ang posibilidad ng airborne transmission ng coronavirus infectious disease sa mga indoor settings.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaari itong mangyari sa lugar tulad ng ospital na mayroong aerosol-producing equipment o maging sa opisina, restaurants o gym.

Dahil dito ay nagkaroon ng rekomendasyon ang ahensya na kung sakaling itutuloy ang pagbubukas ng ibang sektor ay dapat daw gawing prayoridad ang mga open air areas para hindi magkaroon ng ganitong pangyayari.

Kahapon nga ay inihayag ng World Health Organization na hindi nito tinatanggal ang posibilidad ng lalong pagkalat ng virus sa pamamagitan ng hangin.

Ito’y matapos hikayatin ang nasabing international body ng halos 200 scientists na baguhin ang una nitong inlabas na rekomendasyon tungkol sa sakit.

Hindi rin ikinaila ng kalihim na habang tumatagal ang laban ng Pilipinas sa COVID-19 ay mas lalong tumataas ang kaso na naitatala kada araw.

Nagbigay din ng update si Usec. Vergeire tungkol sa pamamahagi ng pamahalaan sa ayuda na matatanggap ng mga pamilya ng fallen frontliners para sa di matatawarang serbisyo ng mga ito.

Ayon kay Vergeire, naibigay na nila ang mga ayuda sa unang listahan na kanilang hawak kung saan dumaan umano sa verification ang pagkamatay ng mga frontliners maging yung severe and critical cases.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang daw ng ahensya ang pag-uusap ng national agencies at pati na rin ang extension ng batas upang malaman kung paano matutugunan ang pamimigay ng ayuda.