-- Advertisements --

Aabot sa 535 piraso ng ecstasy tablets na may street value na P1 million ang nakumpiska ng Bureau of Customs Port of Naia, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Ang mga tinaguriang party drugs na ito ay nakasilid sa isang air parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC), at natuklasan ng Customs sa isinagawang 100% physical examination.

Nakumpirma na pawang ecstasy ang nakumpiskang mga tableta kasunod ng mga laboratory tests na isinagawa naman ng PDEA.

Base sa records, natukoy na ang air parcel kung saan nakasilid ang naturang mga iligal na droga ay galing sa Netherlands at idineklarang naglalaman lamang umano ng mga dokumento.

Ibinigay ang 535 piraso ng ecstasy sa PDEA para sa imbestigasyon ng ahensya at para na rin sa pagpapanagot sa mga indibidwal na sangkot sa importation ng iligal na droga bilang paglabag na rin sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA No. 9165) and Section 1401 Customs Modernization at Tariff Act (RA No. 10863).

Kabuuang 23,482 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P42.27 million ang nakumpiska ng BOC Naia katuwang ang PDEA at NAIA-IADIGT noong nakaraang taon.