Isiniwalat ng National Authority for Child Care (NACC), isang attached agency ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga kaso ng disruptive behavior mula sa mga batang inampon sa pamamagitan ng Gentle Hands Inc. (GHI) orphanage sa Quezon City.
Una nang binigyan ng cease and desist order ang Gentle Hands Inc. dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act (RA) 7610, o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Sa isang pahayag, binanggit ni Executive Director Undersecretary Janella Ejercito Estrada ang hindi bababa sa tatlong kaso kung saan ang mga bata mula sa nasabing orphanage ay nagpakita ng agresibong pag-uugali batay sa mga kaso na direktang hinahawakan ng National Authority for Child Care.
Ayon kay Estrada, ang mga nakakagambalang pag-uugali ng mga batang ito ay resulta ng mahinang paghahanda ng mga bata sa mental, physical at emotional state of being.
Dahil sa mga kasong ito, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na kasalukuyang pinag-aaralan ng DSWD ang mga programa at serbisyo nito, kabilang ang mga center at residential care facility (CRCFs) at Social Welfare and Development Agencies (SWDAs), na gumaganap ng mahalagang papel sa paghahanda ng mga bata para sa pag-aampon, upang maiwasan ang mga kaso ng disruptive behavior.
Sa ngayon ay kinuha muna ng kagawaran ang nasa mahigit 100 batang nasa pangangalaga ng naturang ampunan bilang pagtalima sa ipinatupad na cease and desist order ng DSWD ngunit kasabay nito ay tiniyak naman ng ahensya na ibabalik nito ang naturang mga bata sa oras na makacomply ang nasabing ampunan sa mga pamantayan ng DSWD.