-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng Ilagan City Police Station kaugnay sa pamamaril patay sa isang Agro-forestry plantation Project Manager ng hindi pa nakikilalang salarin sa Sitio Pulang Lupa, Binatacan,Ilagan City.

Ang biktima ay si Armando Mateo, 61 anyos, may-asawa, Agro-forestry plantation Project Manager at residente ng Marana 1st, City of ilagan, Isabela.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay sakay ng hammer-type na jeep patungo sa kanyang agro-forestry plantation para ihatid ang suweldo ng kanilang mga trabahador/empleyado.

Pagdating sa lugar ng insidente, pinaputukan siya ng mga salarin na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga kasapi ng Ilagan City Police Station para sa posibleng pagkakakilanlan ng pinaghihinalaan at hiniling ang tulong sa Provincial Forensic Unit para maproseso ang crime scene.