-- Advertisements --

Suportado ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang plano ng Kamara na maging bahagi ng kampanya laban sa agriculture smuggling.

Tugon ito ni Cong. Lee makaraang ihayag ni House ways and means committee chair at Albay Rep. Joey Salceda na sa pamamagitan ng isang independent panel ay kikilos na rin ang Kamara para labanan ang agri-smugglers, na siyang dahilan sa pagbagsak ng local farm industries at manipulasyon ng presyo sa mga pamilihan.

Punto ni Lee, panahon na para gamitin ng Kongreso ang legislation and oversight powers nito bilang tulong sa ating mga kababayan na nagdurusa dahil sa pambibiktima ng mga agricultural smugglers.

Hinimok din ng mambabatas ang lahat ng sektor sa gobyerno na makiisa at sugpuin ang hindi makatarungang gawin.

Iginiit din ng mambabatas ang pangangailangan na palakasin at bigyan ng sapat na kapangyarihan ang mga ahensiya ng gobyerno na naatasang supilin ang agricultural smuggling sa bansa upang magampanang mabuti ang kanilang tungkulin.

Binigyang-diin ni Lee ang mga dapat bigyan ng sapat na pondo at ngipin ang mga opisinang gaya ng Office of the Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement sa ilalim ng National Food Safety and Food Security Agency.

Dagdag pa ni Lee, kailangan ding imbestigahan at mapanagot ang mga nasa pamahalaan na may mga link o kaugnayan sa agri-smuggling.