-- Advertisements --

Duda ang isang dating opisyal ng bansa na magagawa ng Estados Unidos ang pangakong agad silang sasaklolo sa Pilipinas sa oras na lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay dating Senate president Juan Ponce Enrile, kailangan pang aprubahan ang isyu sa Kongreso ng America, bago maisakatuparan ang pagtulong ng kanilang militar.

Una rito, sinabi ni US Secretary of State Antony Blinken, sa pamamagitan ng department spokesman na si Edward “Ned” Price na handa silang tulungan ang Pilipinas sa oras ng pagkilos ng Peoples Republic of China.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin Jr na dapat nang magkusa ang China na umalis sa Julian Felipe Reef.

Tuloy-tuloy din daw silang maghahain ng diplomatic protest, kung magmamatigas ang higanteng bansa sa pag-okupa ng naturang lugar na nasa EEZ.

Samantala, nagsasagawa na ng pag-verify ang DFA kung ano nga bang tunay na nangyari sa umano’y panghahabol ng Chinese vessel sa sasakyang pandagat ng mga Pinoy, kasama ang ilang mamamahayag.

Kailangan aniyang malaman kung anong klaseng sasakyan ang ginamit ng humabol at ng mga hinabol, lalo’t mainit pa rin ang usapin ukol sa nasabing bahagi ng karagatan.