-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naging emosyonal ang pagkikita ng magkapatid na amazona sa loob ng kampo ng 8th Infantry “Dependable” Battalion sa Poblacion, Impasugong, Bukidnon.

Ito’y dahil mahigit dalawang taon silang nagkahiwalay at muli lang nagkatagpo matapos kapwa napagdesisyunan na sumuko sa militar.

Kinilala ang magkapatid na sina alyas Gaya, 25-anyos na platoon medic ng Sub-Regional Sentro De Grabidad Peddler at si alyas Peme, 28-anyos, platoon medic naman ng Pulang Baganing Yunit of Guerilla Front 89.

Kapwa miyembro sila ng Sub Regional Committee 2, North Central Mindanao Regional Command.

Kung maaalala, unang sumuko si alyas Peme bitbit ang kanyang M16 rifle noong 2018.

Habang noong nakaraang araw naman sumuko ang kapatid nito na si alyas Gaya.

Ang pagsuko nila ay dahil sa hindi na makayanan pa ang hirap ng buhay sa kabundukan at sawa na raw sa walang katuparan na pangako ng mga armadong grupo.