-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatutunayan mismo ng bagong upo na si 4th Infantry Division commanding officer Maj Gen Romeo Brawner Jr na operational at walang naranasan na anumang mekanikal o teknikal na suliranin kaya bumagsak ang C-130 plane habang sakay ang halos 100 sundalo sa Patikul,Sulu.

Ito ang pagtitiyak ng opisyal bilang paglilinaw ukol sa naikuwento ni late PFC Vic Monera sa kanyang ina bago ang trahedya na nakaranas ng umano’y pagkumpuni ang eroplano sa araw pa ng Sabado na unang pagtatangka na maihatid ang mga sundalo patungo sa bagong assignment nila sa Sulu.

Ito umano ang dahilan na naiurong ang biyaheng Sulu sa pagka-araw na ng Linggo ng umaga na gumulat naman sa lahat na nawalan ng kontrol ang eroplano at tuluyang sumabog.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Brawner na kung hindi pa ligtas sakyan ang eroplano ay iiwas sila ng kanyang pamilya na sumakay rito mula pa sa Villamor Airbase patungo sa Cagayan de Oro City bago nangyari ang trahedya.

Sinabi ng opisyal na ipagkatiwala na lang nila sa mga imbestigador upang alamin ang pinakadahilan na sanhi kung bakit naganap ang matinding trahedya sa mga sundalo.

Una rito,binigyan ng full military honors ang nabanggit na mga bayaning sundalo pagdating sa Cagayan de Oro City kahapon ng umaga at maging bago ang pagpapadala sa mga labi nito sa kani-kanilang pamilya dito sa Mindanao.