Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines Western Command na hindi ito magpapatinag sa mga ginagawang pangbu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang iginiit ni AFP-WesCom Commander Vice Admiral Alberto Carlos kasunod ng panibago nanamang insidente ng pamamangga at pagharang ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa lamang ng Rotation and Resupply Mission sa BRP Sierra Madre.
Aniya, sa katunayan ay pinagpapasensyahan na lamang daw nila ang mga mapanganib na aksyon ng China sa laban sa mga barko ng Pilipinas dahil mas pinapairal nila ang kanilang propesyonalismo para makaiwas sa anumang insidente.
Ngunit sa kabila nito ay nananatili pa ring determinado ang buong hanay ng kasundaluhan pagdating sa pagbabantay sa teritoryo at pagprotekta sa soberanya ng Pilipinas kasabay ng kanilang pananatiling tapat sa kanilang mandato at sinumpaang tungkulin.