Kinilala at nagpaabot ng pagbati ang Armed Forces of the Philippines sa Civilian society group na Atin Ito Coalition para sa naging matagumpay at “mission accomplished” na mga aktibidad nito sa Bajo de Masinloc shoal sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, malaki ang naging papel ng ikinasang misyon ng civilian convoy para sa pagpapalakas pa sa presensya ng Pilipinas sa West Philippine Sea at pakikibaka para sa pagtataguyod ng karapatan ng bansa sa naturang karagatan.
Aniya, ang mapayapang aktibidad na katulad nito ay mahalaga para ipamalas ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtataguyod ng soberenya ng bansa, alinsunod sa international law.
Una nang idineklara ng Atin ito Coaliton na “mission accomplished”, matapos na makarating ang kanilang advance team noong Mayo 15 sa 25-30 milya mula sa Bajo de Masinloc, at nakapagpamahagi ng krudo at pagkain sa tinatayang 144 Pilipinong mangingisda sa 6 na mother boat at 36 na maliliit na banka.
Sa kabila ng mga naranasang shadowing at blockade ng naturang civilian convoy mula sa mga barko ng China na sinubukang pigilan at harangan ang kanilang isasagawang misyon sa naturang bahagi ng WPS.