Tiniyak ni Armed Forces chief of staff Lt. Gen. Felimon Santos Jr. na nakahanda ang militar sa posibilidad na kumalat pa sa ibang mga bansa sa Middle East ang lalong umiinit na tensiyon sa pagitan ng US at Iran.
Ayon kay Santos, mahigpit nilang mino-monitor ang sitwasyon mula pa noong mga nakaraang araw.
Sinabi ng heneral na hindi nila inaalis ang posibilidad na targetin ng Iran ang mga kaalyadong bansa ng US sa Middle East.
Paliwanag ni Santos, mayroon kasing tyansa base sa kasaysayan ng giyera na madamay ang mga kalapit na bansa tulad ng Israel, na kaalayado ng Estados Unidos.
Bagamat kaalyado rin ng Pilipinas ang Estados Unidos, nilinaw ng opisyal na hindi naman kasama ang giyera sa gitnang silangan sa RP-US mutual defense treaty.
Kinumpirma rin ng heneral na nagbibigay ng update sa sitwasyon ang US pero wala pa namang inilalatag na plano sa posibleng mangyari sa gitnang silangan.
Sa ngayon aniya ang pangunahing concern ng Pangulong Rodrigo Duterte ay ang kaligtasan ng lahat ng mga Filipino sa naturang rehiyon at naghihintay lang ng go signal ang AFP para sa paglikas ng mga OFW na nanganganib na maipit sa kaguluhan.