-- Advertisements --

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines hinggil sa ulat na may mga kahina-hinalang aktibidad umano ang mga Chinese national sa loob ng isang village sa Paranaque City. 

Una na rito ay nanawagan ang Homeowners official ng village na imbestigahan ang tila dumaraming Chinese na naninirahan sa kanilang subdivision. 

Sa isang panayam, sinabi ni Multinational Village Homeowners’ Association Inc. incumbent director Geraldine Natividad na tila empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang mga Chinese na umabot na umano sa lagpas isang daan ang naninirahan sa kanilang subdivision. 

Dagdag pa nito, hindi rin daw bababa sa 10 ang Chinese restaurants na itinayo sa loob ng village at ilang spa na rin ang mayroon na eksklusibo lamang sa mga Chinese nationals. 

Napansin din Natividad na may mga araw na naka-military formation ang mga Chinese at nagjo-jogging palibot ng subdivision kung saan nakasuot ang mga ito ng black athletic attire. 

Ayon naman sa miyembro ng homeowners association na si Raymundo Sian, may mga pagkakataon daw na nagiging bastos ang mga Chinese sa mga Pilipino sa loob ng subdivision. 

Dahil sa mga ulat na ito, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na magsasagawa sila ng background investigation kasama ang Philippine National Police kaugnay nito. 

Hihingi rin umano ng tulong ang AFP sa Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs, at Department of Labor and Employment upang tiyakin kung ligal ba ang pananatili ng mga dayuhan sa Pilipinas. 

Titingnan din daw nila kung may kinasasangkutang mga kaso sa China ang mga dayuhan sa tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.