-- Advertisements --

Muling pina-alalahanan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner ang mga kasundaluhan na panatilihin ang pagkakaisa, maging loyal sa Konstitusyon at sa chain of Command.

Ginawa ni Brawner ang kaniyang pahayag ng bisitahin nito kahapon ang mga tropa ng Eastern Mindanao Command at 10th Infantry Division ng Philippine Army na naka base sa Davao.

Itinanggi naman ng AFP na nagsasagawa ng loyalty check ang pinuno ng sandatahang lakas gayong ang lugar ay balwarte ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabihan din ni Brawner ang mga sundalo na maging mapagmatyag sa mga kalaban ng pamahalaan na layong makapasok sa ibat ibang sektor ng lipunan at hamunin ang AFP at ang pagkakaisa ng bansa.

Inihayag ni Brawner na kumpiyansa siya na mga propesyunal ang mga bagong breed ng mga sundalo.

“I am not worried because I know that the new breed of soldiers are professionals. Let us remain united and loyal to the Constitution and the chain of command,” pahayag ni Gen. Brawner.

Binigyang-diin ng AFP Chief na manatiling pokus sa trabaho dahil iisa lamang ang Pilipinas, isa lang ang ating bansa at hindi pwede itong hatiin.

Aniya, dapat maging proud tayo sa ating mga pamana, bilang Pilipino mahalin natin ang Pilipinas.

“Focus lang tayo sa trabaho natin. Isa lang ang ating Pilipinas, isa lang ang ating bansa. Let us be proud of our heritage, let’s be proud of who we are as a people. Pilipino tayong lahat kaya mahalin natin ang ating bansa,” dagdag pa ni Brawer.

Nagtungo sa Davao si Brawner para personal tignan ang status ng nagpapatuloy na HADR operations at peace and security campaigns sa nasabing rehiyon.