-- Advertisements --

Personal na binista ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa ng BRP Sierra Madre na barkong isinadsad sa bahagi ng Ayungin Shoal at maging itong mga tauhan ng Philippine Navy na nagtamo ng sugat sa Pinakahuling pag-atake ng watercannon bombing ng China sa resupply vessel ng Pilipinas na Unaizah May 4 sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sakay ng C295 aircraft ng Philippine Airforce, kasama ang Bombo Radyo Philippines, at ang iba pang piling mga mamamahayag ay personal na TINUNGO ni AFP Chief Brawner ang naturang mga sugatang sundalo mula sa pinakabagong panghaharass ng China laban sa mga barko ng Pilipinas sa nasabing pinag-aagawang karagatan.

Mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang tinamong pinsala ng tatlong sundalong naging biktima ng panibagong panggigipit ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa vessel sa WPS.

Isa sa kanila ang kinailangang tahiin 13 beses sa ilalim ng Mata habang ang dalawa pa ay kinailangang tahiin ang ulo, kung saan Isa sa kanila ay tumalsik at humampas pa sa pader ang katawan matapos siyang direktang tamaan ng malakas na pressure ng tubig ng water cannon na ginamit ng China.

Ayon sa naturang mga sundalo ito na ang maituturing na pinakamalalang agresibong aksyon ng China Coast Guard sa West Philippine Sea kasabay ng pag-amin na noong mga panahon daw na inaatake na sila ng mga barko ng China kaniya-kaniya na raw sila ng tago upang maiwasan kahit paano ang malakas pagbuga ng water cannon nito.

Ngunit gayunpaman ay hindi pa rin daw sila nawawalan ng pag-asa at pinanghihinaan ng loob para ipagpatuloy ang kanilang sinumpaang tungkulin at pagseserbisyo sa bayan sa pamamagitan ng pagtatanggol sa mga teritoryo ng Pilipinas na pilit na inaangkin ng ibang bansa.

Sabi ni AFP Chief Brawner, ang insidente na ito ng pag-atake ng China ay hindi lamang ang pinakagrabe na maituturing kundi ito rin aniya ang kauna-unahang pagkakataon na talagang tinangka nito na pigilin ang ikinasang misyon ng mga tropa ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Bagay na nalusutan pa rin ng mga barko ng Pilipinas na nagresulta naman sa kaniyang tinukoy na “partially successful” na rotation and resupply mission matapos na magawang maihatid pa rin ang mga supply at ang tauhan idedeploy sa BRP Sierra Madre sa kabila ng lahat ng ito.

Sa kabila naman ng lahat ng mga lumalalang aksyon ng China at tension sa West Philippine Sea ay muling iginiit ni Gen. Brawner ang kautusan sa buong hanay ng kasundaluhan partikular na sa mga tropang idine-deploy sa WPS ay ang panatilihin pa rin ang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon bilang pagsunod pa rin sa international rules-based order.

Gayunpaman ay tiniyak naman ng pinuno ng Hukbong Sandatahan na kasalukuyan na rin nilang pinag-aaralan ang iba pang sa mga opsyon hinggil sa pagkakasa ng misyon sa BRP Sierra Madre upang tuluyan nang maiwasang maulit muli ang ganitong uri ng mga insidenteng naglalagay sa panganib sa buhay ng mga tropa ng militar.

Samantala, bukod dito ay personal din na kinausap ni AFP Chief Brawner ang mga tropa ng Western Command na idine-deploy sa BRP Sierra Madre at ginawa ran din sila ng military merit medal, habang award of wounded personnel medal naman ang ipinarangal sa mga nasugatang militar nang dahil sa mga agresibong aksyon ng CCG sa WPS kabilang na ang apat tropa na una nang nasugatan sa naging panghaharass ng China nong Marso 5, 2024 gayundin ang tatlong nabanggit na mga sundalo biktima rin ng naturang bansa sa Pinakahuling insidente ng pangbubully nito sa mga barko ng Pilipinas sa naturang pinag-aagawang teritoryo.