Nakaalerto ngayon ang AFP at PNP kasunod ng pagkakapatay sa apat na Abu Sayyaf terrorists kabilang ang isang notorious sub-leader at bomb maker na suicide bomber sa isinagawang joint law enforcement operations ng militar at pulisya, Linggo ng madaling araw.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana malaking setback sa teroristang grupo ang pagkapatay sa kanilang lider.
Patuloy din ang pagtugis kay ASG leader at bomb expert Mundi Sawadjaan.
Dahil dito, pinalawak pa ng AFP at PNP ang kanilang intelligence gathering at monitoring laban sa mga teroristang grupo.
Naniniwala kasi si Sobejana na posibleng maglunsad ng retaliation o paghihiganti ang grupo bunsod nang pagkamatay ni Injam Yadah at Al-Al Sawadjaan.
Samantala, inatasan ni PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga kinauukulang opisina at yunit ng pulisya na mag-full alert din.
Ito’y kasunod ng operasyon laban sa Abu Sayyaf group sa Jolo, Sulu na nagresulta sa engkuwentro at pagkakapatay sa apat nilang miyembro.
Ayon kay Eleazar, inaasahan nya ang posibleng pagganti ng mga natitirang miyembro lalo’t kapatid ni Mundi ang isa sa mga napatay sa engkwentro.
Pagtitiyak nya, paiigtingin pa ng mga pulis at sundalo ang kanilang operasyon para mahuli si Mundi at iba pang bandido.
Hinihikayat naman ni Eleazar ang publiko na manatiling mapagbantay at agad ipaalam sa mga kinauukulan kung mayroon silang impormasyon para makatulong na mahanap ang mga bandido.
















