Iginiit ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang isinasagawang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay nakabatay sa due process at ebidensya, at hindi agad layong magpataw ng parusa kundi alamin ang katotohanan.
Ayon kay Adiong, ang impeachment ay may malinaw na proseso sa ilalim ng Konstitusyon kung saan sinusuri ng Kamara kung may sapat na basehan ang kaso, habang ang Senado ang hahatol.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang patas na pagdinig, kung saan may pagkakataon ang magkabilang panig na marinig, maglahad ng ebidensya, at magtanggol.
Dagdag pa niya, tungkulin ng inaakusahan na harapin ang proseso at sagutin ang mga paratang upang luminaw ang katotohanan.
Paliwanag ni Adiong, ang Komite sa Hustisya ng Kamara ang magpapasya kung may sapat na basehan upang iakyat ang kaso sa Senado. Kung kulang ang ebidensya, hindi ito itutuloy.
Sa huli, iginiit niya na ang Kamara ay tumutukoy lamang kung may kaso, habang ang Senado ang magpapasya kung may sala o wala, batay sa malinaw, patas, at ebidensyang proseso.










