-- Advertisements --

Nakipag-ugnayan na ang Department of Energy (DOE) sa Philippine Competition Commission (PCC) upang imbestigahan ang alegasyon ng posibleng sabwatan o cartelization sa lingguhang oil price adjustments.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, dapat siyasatin kung may nagaganap na “anti-competitive behavior” sa pagitan ng mga kumpaniya ng langis, lalo na’t napapansin na sabay-sabay ang pagtaas at halos magkakapareho ang halaga ng dagdag-presyo.

Sinabi ni Garin na bukas ang ahensya sa pagrepaso ng kasalukuyang sistema ng lingguhang price adjustment upang mapabuti ito, kasabay ng gabay mula sa Kongreso. 

Nilinaw din ng kalihim na ang mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang pangunahing dahilan ng pagtaas, ngunit handa ang DOE na magbigay ng kinakailangang datos sa PCC para sa masusing imbestigasyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Garin na ang pagtukoy ng anumang paglabag ay nasa PCC at dapat idaan sa tamang proseso.

Samantala, tiniyak ni Garin na nakahanda ang ahensiya na ilantad ang pangalan ng mga kumpanya ng langis sa sandaling mapapatunayang nagsasabwatan ang mga ito sa presyo.

Ayon kay Garin, hindi sila mag-aatubiling i-anunsiyo ito basta may pinal na desisyon mula sa kinauukulang ahensya o korte.

Sa Press briefing sa Malakanyang, sinabi ng Kalihim na kailangang may malinaw na ebidensiya at opisyal na ruling mula sa mga may hurisdiksyon tulad ng Philippine Competition Commission bago pangalanan ang mga sangkot.

Gayunman, nilinaw ng kalihim na sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na findings kaugnay sa naturang imbestigasyon.

Siniguro naman ni Garin ang kanilang buong suporta sa ikakasang imbestigasyon ng Philippine Competition Commission (PCC).