KALIBO, Aklan – Tuloy ang pananatili sa pwesto ni Malay acting Mayor Frolibar Bautista matapos ilampaso ang kanyang mga katunggali sa katatapos na May 9 national and local elections.
Matandaang naupo bilang acting mayor ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa Isla ng Boracay si Bautista matapos mapatalsik sa pwesto ang dating mayor na si Ceciron Cawaling noong 2019.
Tinalo nito sa botong 16,134 ang dalawang katunggali na sina Hector Casidsid na nakakuha ng 10,134 at Marlyn Villaresis na may 5,637.
Sa kabilang daku, muling uupo bilang vice mayor ang running mate na si Niño Cawaling para sa ikalawang termino matapos talunin sa botong 19,053 ang kanyang nakalaban na si Abram Sualog na nakakuha ng 11,252.
Nabatid na pormal na inindorso ng makapangyarihang religious group na Iglesia Ni Cristo ang kandidatura ni Bautista at Cawaling.