-- Advertisements --
Rep France Castro

Bumuwelta si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep France Castro kay dating presidential son at ngayon ay Davao City, 1st District Rep. Paolo Duterte matapos ang naging batikus ng huli laban sa kay Castro.

Maalalang naghain si Castro ng kaso laban kay dating PRRD dahil sa umanoy pagbabanta nito sa kanyang buhay, kasama na ang umano’y red-tagging laban sa kanya.

Kasunod ng inihain ni Castro na kaso laban kay dating PRRD, binatikos ni Cong Duterte ang naging aksyon ng kapwa mambabatas at sinabing mas maraming kritisismo pa ang natanggap ng kanyang ama sa panahon na siya ay nakaupo bilang pangulo ngunit ni minsan ay hindi naghain ng kaso.

Buwelta naman ni Castro sa patutsada ng kapwa kongresista, walang puwang ang mga pagbabanta sa buhay at red-tagging, lalo na kapag na-ere ito sa national television.

Kailangan aniyang matigil ito, dahil sa nagdudulot ito ng banta sa buhay ng mga tao.

Ayon pay kay Rep Castro, ang pagbabanta ay kaiba sa kritisismo, at hindi dapat ito hayaang magtutuloy-tuloy dahil sa tiyak na hindi ito mabibigyang parusa kung hinayahaan lamang na mamayani.

Buwelta pa ni Castro, palaging hinahamon ng pamilya Duterte ang mga tao na maghain ng kaso laban sa kanila kung nakakagawa sila ng kasalanan, habang ngayon at may kaso nang naihain ay umaatake pa rin umano ang mga ito.

Ang inihain ni Castro na kasong grave threat laban kay dating PRRD ay nag-ugat sa mga nabanggit nito sa isang TV appearance noong Oktobre-11.