Tuluyang namaalam sa kanilang mga fans ang koponang Alaska Aces matapos ang 35 taon na paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ay matapos na talunin sila ng NLEX Road Warriors sa quarterfinals ng 2021 PBA Governor’s Cup nitong Sabado ng gabi 96-80.
Makakaharap naman ng NLEX ang Barangay Ginebra sa semifinals.
Dahil sa pagkatalo ay nangangahulugan ito ng pagwawakas na ng Aces sa pakikibahagi sa PBA.
Bago simulan ang laro ay nagsagawa ang PBA ng tribute sa Alaska kung saan mismong si PBA commissioner Willie Marcial ang nagpatunog ng final buzzer para sa koponan.
Pinatugtog din ng PBA ang sikat na kanta ng Alaska na “Wala pa ring tatalo sa Alaska”.
Naging emosyonal ang mga fans naman ng koponan sa tuluyang pag-alis nila sa PBA.
Magugunitang noong Pebrero ay inanunsiyo ni Alaska team owner Wilfred Uytengsu ang pag-alis na nila sa PBA mula ng magsimula sa taong 1986.
Sa loob ng 35 season ay nagwagi ang Aces ng 14 kampeonato kasama na ang grand slam noong 1996 na naging pangatlong koponan na makakuha ng nasabing titulo sa kasaysayan ng liga.