-- Advertisements --

Nag-isyu ng subpoena ang House Committee on Justice para sa abogado na nag-notaryo sa affidavit ni Ramil Lagunoy Madriaga kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pamamagitan ng isang “subpoena ad testificandum et duces tecum,” inatasan ng komite si Atty. Cynthia Viñas-Pantonal na humarap sa pagdinig sa darating na Abril 14, 2026.

Bukod sa pagdalo, kailangan ding isumite ng abogado ang orihinal na kopya ng affidavit ni Madriaga na may petsang Nobyembre 29, 2025. 

Ayon sa komite, mahalaga ang testimonya ni Viñas-Pantonal upang kilalanin at patotohanan ang nasabing dokumento na nakapaloob sa mga inihaing reklamo laban sa Bise Presidente.

Ang nasabing subpoena ay may petsang Marso 31, 2026, ay inilabas sa ilalim ng awtoridad ni House Committee on Justice Chairperson Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at nilagdaan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Kasalukuyang nasa yugto ng pagtukoy ng probable cause ang komite bago magdesisyon kung ipapasa ang kaso sa Senado para sa pormal na paglilitis.