-- Advertisements --
supreme court 1

Sinuspindi ngayon ng Supreme Court (SC) ang isang lawyer-politician sa Camarines Sur dahil sa kapabayaan sa kanyang tungkulin bilang abogado.

Sa anim na pahinang resolusyon ng Supreme Court First Division na isinulat ni Associate Justice Mariano C. Del Castillo, sinuspindi ng isang taon si Atty. Ariel T. Oriño dahil sa pagpabag nito sa Rule 18.03 ng Canon 18 ng Code of Professional Responsibility (CPR).

Kinatigan ng high court ang findings ng Integrated Bar of the Philippines-Commission on Bar Discipline (IBP-CBD) at IBP-Board of Governors (IBP-BOG) na nabigo si Oriño na magbigay ng tamang serbisyo sa complainant ng isang kaso.

Lumalabas na bigong dumalo si Atty. Oriño sa hearing at magsumite ng position paper para sa ejectment case ng complainant na nagresulta sa pagkatalo ng kaso sa Municipal Circuit Trail Court (MCTC) ng Libmanan-Cabusao, Camarines Sur.

Maliban dito, bigo rin umanong maghain ang abogado ng memorandum para sa complainants na nagresulta naman sa pagkakabasura ng kanilang apela kahit nakapagbayad na ng P200,000 na acceptance fee, P1,500 na appearance fee.

Una rito, inirekomenda ng IBP-CBD na suspendehin si Atty. Oriño sa loob ng anim na buwan na may kasamang warning na kapag naulit ang ginawa ng abogado ay mas mabigat na parusa ang ipapataw sa kanya na inadopt din ng IBP-BOG.

Binigyan diin naman ng kataas-taasang hukuman na ang kabiguan ng isang abogado na gampanan ang kanyang obligasyon sa kanyang mga kliyente ay maikokonsiderang paglabag sa lawyer’s oath.

Nag-ugat ang kaso sa adminstrative case na isinampa ng ilang complainant na defendants ng civil case.