-- Advertisements --
image 106

Umaabot na sa P275 million ang halaga ng tulong na naipamahagi na sa mga biktima ng kalamidad dala ng nagdaang mga bagyong Egay at Falcon sa bansa ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni Chris Mathay, director ng DSWD Disaster Response and Management Bureau na ang naturang halaga ay mula sa pinagsama-samang resources ng DSWD, mga lokal na pamahalaan at non-government organizations.

Natulungan sa pamamagitan ng assistance na ito ang nasa 3.2 million kababayan nating naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyo at habagat.

Maliban dito, mayroon ding camp management coordination program sa mga evacuation center at mayroon ding social workers na tumutugon sa mga problema ng mga apektadong residente para maalagaan ang kanilang mental health.

Ayon sa opisyal, nasa kabuuang 868,000 pamilya mula sa 5,000 barangay sa 12 rehiyon ang sinalanta sa nakalipas na mga linggo.

Sa kasalukuyan, mayroon pa aniyang 1.8 billion na halaga ng stockpile items ang pamahalaan at P2.2 billion halaga ng standby at quick response funds.