
Magbibigay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng livelihood assistance sa mga mangingisdang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Kaugnay nito, nagbigay si BFAR Director Demosthenes Escoto ng inisyal na alokasyong P4 million para sa agarang pagpapatupad ng alternatibong kabuhayan para sa mga mangingisda na ang pangunahing pinagkakakitaan matapos na ipinagbawal muna ng lokal na pamahalaan ang pangingisda sa mga apektadong lugar dahil sa oil spill.
Ilan sa mga tulong na ibibigay ng BFAR ay post-harvest training at equipment, partikular ang 10 units ng smokehouses para sa pagproseso ng isda.
Sinabi ng BFAR na ang mga hilaw na materyales para sa pagproseso ng isda ay kukunin sa Occidental Mindoro at iba pang kalapit na lugar na hindi apektado ng oil spill.
In-activate din nito ang Kadiwa Oplan Isda, na isang patuloy na proyekto para tulungan ang mga mangingisda sa pamamagitan ng paglikha ng tinatawag na market links.
Sa ilalim ng programang ito, ang mga kooperatiba ng pangingisda mula sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro ay iuugnay para sa fish commerce habang ang BFAR ay magbibigay ng logistical support tulad ng paggamit ng mga reefer van.
Sinabi rin ng opisyal ng BFAR na bibigyan nila ang pamahalaang panlalawigan ng technical support sa pamamagitan ng pagsasagawa ng laboratory testing ng mga nakuhang sample ng tubig at isda mula sa mga apektadong lugar.
Ang resulta ng mga pagsusulit ay gagamitin sa pagtukoy at pagrerekomenda ng mga lugar na ligtas para makapangisda ang ating mga kababayang mangingisda.
Umaabot na sa humigit-kumulang 11,000 pamilyang mangingisda sa mga munisipalidad ng Naujan at Pola gayundin sa mga nakapaligid na rehiyon nito ang apektado ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress, na may dalang 800,000 litro ng industrial fuel sa bayan ng Naujan noong Pebrero 28.










