-- Advertisements --
covid vaccine 3

Inaasahang maging available na rin sa bansa ang one shot na bakuna kontra African Swine Fever (ASF) na isang viral disease sa baboy na nakaapekto sa swine industries sa buong mundo simula ng kumalat ito noong 2018.

Ibinunyag ng isang local agricultural product company na KPP powers Commodities Inc. na inaasahang makukumpleto na ang ASF vaccine trials sa Abril ng kasalukuyang taon.

Ayon pa sa kompaniya, nakipag-partner na sila sa Vietnamese manufacturer na AVAC Vietnam Joint Stock Co. para sa local distribution ng nasabing bakuna.

Ang naturang Vietnamese company kasi ang gumagawa ng bakuna na dumaan sa masusing clinical trials at field testing na strikto namang minomonitor ng gobyerno ng Vietnam.

Ayon kay KPP powers Managing Director Juancho Robles, ang naturang kompaniya lamang ang natatangi sa buong mundo na mayroong commercial use ASF vaccine na may valid certificate of product registration at kauna-unahang vaccine factory sa Vietnam na sertipikado ng World Health Organization-Good manufacturing practices standard.

Unang natanggap ng kompaniya ang approval para sa commercialization ng bakuna noong Hunyo 2022 at simula noon maraming malalaking commercial farms sa Vietnam ang gumamit ng bakuna at nakitang matagumpay ang resulta ng pagiging epektibo ng bakuna para malabanan ang ASF kung saan ang efficacy rates nito ay nasa 95%.

Napatunayan din na ligtas ang bakuna na gamitin sa pamamagitan ng intramuscular injection sa pagpapalaki ng mga baboy mula apat hanggang walong linggo gulang nang walang shock o local inflammation.

Ang kagandahan nito ay isang injection lamang ang kailangan para maprotektahan ang mga baboy.

Sa bansa naman, kasalukuyang sumasailalim na sa local trials ang bakuna kontra ASF sa ilalim ng supervision ng Bureau of Animal Industry.

Matatandaan na unang kumalat ang ASF sa Pilipinas noong 2019 na magresulta sa pagkalugi ng swine industries dahil sa pagbagsak ng local pork production dahil kinailangang isailalim sa culling ang mga infected na baboy .