-- Advertisements --
ROTC
ROTC/ DLSAUROTC (file FB post)

Hinimok ng grupo ng mga estudyante ang gobyerno na ibalik ang mga estudyante sa mga paaralan sa halip na buhayin ang mandatoryong military training sa mga college students ayon sa National Union of Students of the Philippines.

Ito ay matapos na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang House Bill 6687 o ang panukalang National Citizens Service Training Program Act na nagmamandato ng military training sa mga estudyante.

Naniniwala si National Union of Students of the Philippines deputy secretary general Aki Liongson, na hindi na kailangang magpasa ng isang batas na nagmamandato ng military training gayong mayroong iba pang isyu ng edukasyon na kailangang unahin.

Iginiit pa nito na mas kailangan ngayon ng education system ng bansa ang maraming pondo upang mas maraming mga kabataan ang makapag-aral.

Marami din aniyang mga mag-aaral ang tumigil na sa pag-aaral dahil sa tumataas na inflation, kawalan ng trabaho at COVID-19 pandemic.

Sa halip aniya na magpokus sa military training ay hinikayat ng grupo na palawigin na lamang ang pagbibigay nmg scholarship at aid programs para sa mga mag-aaral na makakatulong para maibsan ang pasanin ng mga ito na kumakayod pa para lamang makapag-aral.

Kung magugunita, una ng hinimok ng pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Kongreso na magpasa ng isang panukalang batas na nagmamandato sa implementasyon ng Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) program na makakatulong sa pagpapalakas pa ng disaster response capability ng bansa.