CENTRAL MINDANAO – Sa hangaring matulungan ang mga kababayang matinding sinalanta ng super typhoon Odette sa lalawigan ng Bohol, nakipagpulong ang mga miyembro ng Kaliwat Bohol kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista.
Ito ay para sa paglulungsad ng Tabang Bohol 2 sa pangunguna ni dating City Councilor Judith Navarra kasama ang mga opisyal ng naturang samahan na nakipag-usap kay Mayor Evangelista upang maisakatuparan ang Tabang Bohol 2 sa lalong madaling panahon sa harap na rin ng matinding pangangailangan ng mga mamamayan doon at sa iba pang mga lugar sa Visayas at Mindanao na binayo ni “Odette.”
Padadalhan ng tulong ang mga hard-hit areas o mga bayan sa Bohol na nagtamo ng matinding pinsala matapos hagupitin ng super typhoon.
Kasama din sa pulong ang ilang mga department heads ng city government of Kidapawan na sina City Budget Officer Alex Pana, City Treasurer Redentor Real, City Administrator Ludivina Mayormita, at City Disaster Risk Reduction and Management Officer Psalmer Bernalte.
Kaugnay nito, napagkasunduan sa pulong ang gagawing formal launching ng Tabang Bohol 2 sa Lunes, December 27, 2021 ngunit ngayon pa lamang ay maaari ng magpadala o magbigay ng tulong ang mga nais makiisa sa hakbang na ito, ayon kay Mayor Evangelista.
“Hangad nating matulungan at maiparating ang ating tulong para sa mga biktima ng bagyong Odette sa Bohol at sa iba pang lugar sa lalong madaling panahon,” sinabi pa ng alkalde.
Kapwa naman nanawagan si Mayor Evangelista at ang mga opisyal at miyembro ng Kaliwat Bohol sa mga mamamayan ng lungsod na sana ay magkaisa at sama-samang tulungan ang mga apektadong Boholanos upang kahit papano ay makaagapay sila mula sa kasiraang idinulot ng bagyo sa buhay at mga ari-arian soon.
Maaaring magbigay ng mga damit, blanket, pagkain, mineral water, gamot, toiletries, at iba pang pangangailangan ng mga biktima at dalhin sa designated dropping point sa lobby ng City Hall.
Batay sa ulat ng [rovincial government of Bohol, abot na sa 70 at posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa Bohol at tinatayang abot sa P5 billion ang kasiraan sa agrikulutra, imprastruktura, at iba pa.
Matatandaang noong 2013 ay tinamaan ng magnitude 7.2 lindol ang Bohol kung saan kumilos ang samahang Kaliwat Bohol sa lungsod ng Kidapawan at nagpaabot ng tulong.
Sa kasagsagan naman ng lindol sa Kidapawan noong 2019 ay nagpadala din ng tulong ang lalawigan ng Bohol para sa mga kababayan nila na naninirahan sa Kidapawan City at sa iba pang mga naapektuhan ng lindol sa lungsod.
Patunay naman ito ng magandang samahan at matibay na ugnayan na umiiral sa pagitan ng provincial government of Bohol at ng city government of Kidapawan.










