-- Advertisements --

Inihahanda na raw ng Department of Health (DOH) ang isusumite nitong dokumento sa Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa suggested retail price ng face shields.

Kasunod ito ng mga lumulutang na panukalan na gawin na ring mandatory ang pagsusuot ng face shield ng publiko.

“Hopefully within the week the SRP, we will be submitting na rin immediately yan sa DTI para pag-aaralan nila yan at pagde-desisyunan,”ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.

“Within the week siguro lalabas ‘yang SRP ng face shields.”

Tiniyal ng DOH na suportado ng pag-aaral ang kanilang inirekomendang SRP dahil sa ginawa nilang local survey at konsultasyon sa mga eksperto.

Inalam din daw ng ahensya kung anong materyales sa paggawa ng face shield ang ligtas at dapat bilhin ng publiko.

“Nagpagawa kami ng informal pero local survey, parang study of the market kung magkano talaga ang mga ino-offer na prices among the big drug stores also looking online na mga bentahan para makita natin yung range ng prices.”

Naisapinal na raw ng mga kawani ng ahensya ang rekomendasyon at nakatakdang ipasa sa tanggapan ni Sec. Francisco Duque ngayong araw.

Nitong araw nag-inspeksyon ang DTI sa ilang tindahan ng medical supplies sa Maynila.

DTI inspection
IMAGE | DTI Usec. Ruth Castelo heads surprise inspection of face shield price in some medical supply stores in Manila, August 12

Naglalaro sa P45 hanggang P75 kada piraso ang benta sa face shield ng ilang tindahang binisita. Pero may isang supplier ang nagbebenta ng face shield sa halagang P28 kada piraso.