Binuksan ng Office of the Vice President (OVP) ang ikalima nitong libreng dormitoryo para health care workers at frontliners ng COVID-19 sa Metro Manila.
Sa isang online advisory, sinabi ni VP Leni Robredo na matatagpuan sa Novaliches, Quezon City ang nasabing pasilidad.
Malapit ito sa ilang pagamutan tulad ng Commonwealth Hospital, FEU Hospital-Marian Medical Arts Building, at Neopolitan General Hospital.
“Bukas po ang ating dorms para sa mga health workers, medical practitioners at iba pang frontliners tulad ng mga security guards, at iba pang volunteers sa mga programa kaugnay sa laban sa COVID-19.”
“Taos-puso po ang aming pasasalamat sa aming Angat Buhay partners, na nakipagtulungan sa amin upang maging posible ito.”
Dahil limitado lang ang espasyo dahil sa social distancing, magiging “first come, first served” basis ang accommodation ng pasilidad.
Maaari raw makipag-ugnayan ang mga interesadong frontliner sa ovpfreedormservice@gmail.com o sa numerong: 0998 591 7408.










