-- Advertisements --


Binigyan diin ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na hindi ito ang tamang panahon para talakayin ang mga nakabinbin na death penalty bill sa Kamara.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, hiniling ni Biazon na huwag muna isama ang inihain niyang House Bill 741 sa mahigit 10 panukalang batas na tatalakayin para sa reimposition ng death penalty.

Pero hindi aniya ito nangangahulugan na inaabandona na niya ang kanyang adbokasiya magmula nang maupo siya sa puwesto.

Ayon kay Biazon, “politically divisive” ang usapin sa death penalty kaya mahalaga na paglaanan ito ng sapat na panahon sa wastong timing.

Hindi aniya dapat dito nakatuon ngayon ang atensyon nilang mga mambabatas lalo pa at problema pa rin ang patuloy na pagsirit na COVID-19 cases sa bansa.

Naniniwala ang kongresista na kaya pa naman maihabol ang pag-apruba sa death penalty bill sa nalalabing dalawang taon sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mababatid na sa kanyang ikalimang SONA, umapela si Pangulong Duterte sa dalawang kapulungan ng Kongreso na asikasuhin ang pagsasabalik ng parusang kamatayan para sa mga krimen na may kaugnayan sa iligal na droga.