-- Advertisements --

Hawak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong katao na hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment na kanilang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI Port Operations Division Acting Chief Grifton Medina, sinabi nitong pasahero ay na-intercept bago pa man makasakay sa kanilang mga flights patungong Middle East at Europe.

Sinabi ni Medina na isa sa mga biktima ay patungong Dubai habang ang dalawa ay patungo namang Greece.

Ang tatlo ay nagpapakita umano ng palatandaan na magtatrabahong iligal sa ibayong dagat bilang undocumented workers.

 Ayon naman kay Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Head Ma. Timotea Barizo, ang Dubai-bound passenger ay naharang matapos mahalata ng immigration officer na ang Overseas Employment Certificate (OEC) ng biktima ay hindi cleared at validated ng Philippine Overseas Employment Administration-Labor Assistance Center (POEA-LAC) desk sa NAIA.

Nang beripikahin sa POEA-LAC, lumabas na tamperred ang OEC na inisyu sa ibang tao hindi sa mismong pasahero.

Inamin naman daw ng biktima na ang kanyang biyahe ay iprinoseso ng kanyang mga handlers at ibinigay lamang ang kanyang mga dokumento nang makarating ito sa paliparan.

Ang dalawa namang patungong Greece ay nagprisinta rin umano ng mga pekeng travel documents kabilang na ang pekeng OEC at local employment certificate.

Inamin din ng dalawa na saka lang ibinigay ng kanilang mga handlers ang kanilang mga dokumento nang makarating sila sa airport.

Nagbayad daw ang bawat isa ng P95,000 para asikasuhin ng kanilang handlers ang kanilang mga dokumento at pagbiyahe sa ibang bansa.