Posibleng sa Huwebes o Biyernes ay makakabalik na ng kalsada ang ilang unit ng tradisyonal na jeepney, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa isang panayam sinabi ni DOTr Asec. Goddes Libiran na mismong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nangako sa kanila na papayagan na ang “hari ng kalsada” na magbalik operasyon.
Nilinaw naman ng opisyal na tanging mga “roadworthy” units ng jeep ang makakabalik kalsada.
Binigyang diin ng opisyal ang paliwanag ng DOTr kung bakit huli nang pinayagan ang mga jeep na magbalik operasyon.
Ayon kay Libiran, alinsunod ito sa “hierarchy” o pagkakasunod-sunod ng mga pampublikong sasakyan na may limitado lang na kapasidad sa mga pasahero.
Kaya naman daw inuna nilang payagan ang mga bus at tren na may kakayahang magsakay ng maraming commuter.
Ngayong araw nagsimula na muling umarangkada sa mga lansangan ng Metro Manila ang higit 900 unit ng UV Express.










