
Kinumpirma ni Supreme Court (SC) Spokesperson Brian Keith Hosaka na ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa ABS-CBN Corporation.
Sinabi ni Hosaka na ipinaabot mismo sa kanya ni Chief Justice Diosdado Peralta na ibinasura ng mga mahistrado sa isinagawang en banc session ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida dahil sa pagiging moot and academic.
Napagdesisyunan ng mga mahisradong ibasura ang petisyon dahil nag-expire na ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 4.
Maliban dito, nag-isyu na rin ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order laban sa network noong Mayo 5.
Maalalang inihain ni Calida ang quo warranto petition noong Pebrero 10 dahil umano sa paglabag ng malaking TV network sa terms ng kanilang franchises.
Pero ang kaso laban sa respondent na ABS-CBN Convergenve ay nananatiling pending.
















