-- Advertisements --

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa rin kasali sa mga pampublikong sasakyan na pwedeng bumiyahe sa Metro Manila ang mga motorcycle taxis.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra III nananatiling provisional ang status ng motorcycle taxis dahil nakabinbin pa sa Kongreso ang legalisasyon nito.

“Ang MC (motorcycle) taxi hindi pa pinapayagan as a mode of public transport. On a count of that, since there were pending bills in the Congress, even as early as last year.”

Ang Technical Working Group na binuo ng Department of Transportation daw ang namumuno sa monitoring ng operasyon ng tatlong motorcycle taxi applications na: Angkas, MoveIt at JoyRide.

Bahagi ito ng pilot study para makakuha ng datos ang Kongreso bilang basehan sa pagbibigay ng approval sa legal na operasyon ng mga ito.

“Ang pagkaalam natin, nai-submit na itong mga resulta na ito sa Kongreso as early as April. Although part ang LTFRB sa TWG, headed by Asec. Edgar Galvante of LTO (Land Transportation Office).”

Sa ngayon tikom ang LTFRB na magbigay ng komento sa kapalaran ng motorcycle taxis na makabalik operasyon sa gitna ng pandemic.

“Hindi pa legal ang motorcycle taxi, so hindi pa natin alam kung under whose jurisdiction in the regulation of motorcycle taxis. Hindi sa LTFRB ‘yon.”

Simula nang pumutok ang COVID-19 pandemic, natigil din ang pagtanggap sa pasahero ng mga nasabing kompanya ng motorycle taxi dahil sa patakaran ng physical distancing.

Nitong nakaraang Linggo nang maglabas na ng bagong disenyo ang ilang motorcycle taxi companies para sa posibilidad na pagbabalik kalsada na rin ng kanilang hanay.