Dumepensa si Vice Pres. Leni Robredo laban sa mga haka-hakang kasali ito sa ikinakasang kilos protesta kasabay ng pagdiriwang sa anibersaryo ng EDSA o People Power revolution.
Sa isang statement, sinabi ng bise presidente na hindi siya bahagi ng ano mang pagkikilos na bukod sa paggunita sa makasaysayang rebolusyon, ay nais ding magpatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hayagan ko pong sinasabi: Hindi ako bahagi ng anumang panawagang bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte. Ang panawagan ko lang, sana gawin nating lahat ang trabaho natin bilang mga lingkod-bayan.”
Kinikilala naman daw ni Robredo ang karapatan ng publiko sa malayang pagtitipon at pagpapahayag ng mga saloobin dahil alinsunod ito sa Konstitusyon.
“Nakarating po sa atin ang mga ulat ukol sa napipintong pagtitipon ng mga mamamayan sa ika-22 ng Pebrero.”
“Mariin ang pagkakasaad sa ating Konstitusyon: Sagrado ang karapatan ng mamamayang magtipon at ipahayag ang kanilang mga saloobin.”
“Gayunpaman, nais ko ring bigyang-diin: Kailangang maging buo ang katapatan natin sa mga institusyon at sa batas. Dapat idaan ang pagpapahayag ng mga hinaing at pagpapanagot sa ating mga pinuno sa mga prosesong alinsunod sa Saligang Batas.”
Umaasa ang pangalawang pangulo na magiging mapayapa at maayos ang ikakasang kilos protesta nang hindi mauwi sa ano mang karahasan.
“Sa harap ng lahat ng ito, tiwala akong magiging mapayapa ang pagtitipon. Tiwala rin akong walang magiging lugar sa ating hanay ang mga panawagang hindi alinsunod sa ating Saligang Batas at ang anumang karahasan.”










