-- Advertisements --
Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng pickup truck na sangkot sa isang road rage incident na kumakalat sa social media.
Batay sa viral video, makikitang nakikipagtalo ang driver sa mga kapwa motorista habang nagmamaneho at naglalabas pa umano ng espada upang manakot, na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.
Bilang agarang hakbang, iniutos ng LTO ang pagsuko ng lisensya ng driver para sa 90-araw na preventive suspension. Inalarma na rin ang naturang pickup truck.
Inatasan ang driver at rehistradong may-ari ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa Disyembre 7 upang magsumite ng kanilang mga paliwanag at sinumpaang salaysay.















